Friday, March 13, 2009

MGA TAONG NAKARANAS NG HIRAP SA BUHAY, NAGTAYO NG NEGOSYO AT NAGTAGUMPAY






I. BENTA-BENTA KITA PERA!


Tema: Rags to Riches
Mga Taong Nakaranas Ng Hirap Sa Buhay, Nagtayo Ng Negosyo At Nagtagumpay!

A. PANUKALANG PAHAYAG

Ang mga taong malaki ang tiwala sa sarili at malakas ang loob ay malayo ang mararating sa negosyo.


B. INTRODUKSYON


§ PAGTUKOY SA PAKSA:

Ang paksa ng pananaliksik na ito ay tungkol sa mga taong nagtayo ng maliit na karinderia na nagsilbing panimula upang makapagpatayo ng isang mayabong na kainan.

§ PAGLALAHAD NG SULIRANIN:

Sa kasalukuyan, mas umaasenso pa ang mga taong dumaan sa kahirapan kaysa sa mga taong likas na mayaman na. Gaya na lamang ni Henry Sy na dati lamang na tagapunas ng sapatos sa Quiapo. At ngayon, makikita na ang kinalabasan ng kanyang paghihirap.

§ KALIGIRAN NG PAKSA/SULIRANIN

Ang pagtitinda, pagbenta-benta ay isang patok na patok na negosyo para sa mga Pilipino. Makikita na lamang sa mga daan sa kalye, likod ng UST, mga push carts, karinderia at sa tabi-tabi ang mga ito. Kaya na lamang na ganito ang patok na negosyo para sa mga negosyante ay dahil madaling kumita ng pera at maraming kabataan ang mahilig sa mga ito lalo na ang mga estudyante.

§ PERSONAL O PANLIPUNANG UDYOK SA PAGPILI NG PAKSA

Ang mga mananaliksik ay estudyante ng Komersyo ng Unibersidad ng Santo Tomas na gustong malaman ang mga paraan sa paglaki o pagunlad ng kanilang negosyo sa mga darating na panahon. Hangad nila na mapalawak ang kanilang kaisipan at kaalaman ukol sa kanilang paksa.

C. REBYU/PAG-AARAL

Sa pananaliksik na ito, nalaman ng mga mananaliksik na dapat pagtuunan ng pansin ang pag-aaral. Nakalap nila ito sa mga taong kanilang pinagkunan ng ideya.

Ang isa sa mga nakuha ng mga mananaliksik ay kay Lorenzo Bernardo-Lopez na kapag ika’y magtatayo ng negosyo, dapat kung saan ka eksperto o hilig mo, doon ka magsimula at tsaka magtayo ng negosyo.

Nalaman din ng mga nagsusuri na ang negosyo ay isang malaking hamon, dahil sa pagnenegosyo ay walang katiyakan kung ito’y lalago at kikita ng pera. Sa pagnenegosyo ay kailangan din makipagtulungan sa iyong kapwa katrabaho. At higit sa lahat ay marunong kang makisama sa mga kostomer at lalong lalo na ang pagtugon mo sa kanilang mga pangangailangan.
D. LAYUNIN

A. PANGKALAHATAN

Layunin ng mananaliksik na mabago ang maling akala ng mga tao . Na akala nila dahil sa maliit na negosyo ay hindi na sila lalago. Layunin din ng mga mananaliksik na magbago ang tingin sa lipunan.

B. TIYAK

Ang mga taong matutulungan ay ang mga taong gustong magtayo ng negosyo kahit maliit lamang ang kanilang kapital. Dito nila masasabi na kahit maliit lang ang kapital nila kaya nilang palaguin at palakihin ang kanilang negosyo.Ang proyektong ito ay makakatulong sa mga taong mahilig din sa benta-benta at pagtitinda ng mga pagkain na patok sa mga taong mahilig sa lasang Pinoy.

E. HALAGA

Mahalaga ang pananaliksik na ito para sa mga taong nais magtayo ng negosyo kahit na kakaunti at simpleng paraan lamang. Hindi mahirap para sa isang magnenegosyo ang laki o liit ng kapital. Bagkus, nasa determinasyon ito at pagsisikap na mapaunlad ang negosyo. Ang pananaliksik na ito ay hindi lamang angkop sa mga gustong magnegosyo, pati na rin sa mga taong kakaunti pa lang ang nalalaman hinggil sa paksang ito. Ito rin ay aming ibinabahagi sa mga taong walang sapat na puhunan sa pagtatayo ng negosyo at natatakot mag-umpisa sa kakaunting kapital, dapat isipin at isaisip na ito ay naging daan sa tagumpay na nakamit ng mga taong nagtiwala sa kanilang sarili kahit na sila ay na nagsimula sa mahirap na buhay at simpleng pamamaraan.


F. TEORETIKAL NA BALANGKAS

Teoryang Sikolohikal

Ang Teoryang Sikolohikal ay nagbibigay halaga sa emosyon sa pagkilala ng katauhan dahil ang panloob na damdamin ay isang mahalagang salik upang pasimulan ang isang gawain.

Ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig sa pagbuo ng naturang pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao sa isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong pananaw dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.
Ang teoryang ito ay nakakaapekto sa buhay ng tao sa paraan ng kanyang pananaw sa kanyang magiging negosyo o ang kanya mismong negosyo. Ito ay nagbibigay ng bagong ideya na palawakin ang kanyang negosyo sa pang araw araw na pamumuhay.
G. METODOLOHIYA

Ang pananaliksik na ito ay isasagawa sa pamamagitan ng pag iinterbyu ng mga negosyanteng mayroong negosyo upang makalap ang mga tamang impormasyon o datos ukol sa pagnenegosyo.

Ang pagkuha ng mga litrato ay maaring magamit sa pagpapaliwanag sa mambabasa upang lalo nilang maintindihan ang paksang nakapaloob dito.


H. SAKLAW/ DELIMITASYON

Ang mga mananaliksik ay tumatalakay sa mga suliraning pang negosyo, mga paraan para magtagumpay, mga hakbang at proseso na ginawa ng mga taong sangkop sa negosyong kanilang itinayo. Naglagay din ang mga mananaliksik ng teorya na angkop sa kanilang paksa upang magsilbing kabuuan ng kanilang pananaliksik.

I. DALOY NG PAG-AARAL
Ang unang kabanata ay tutukoy sa paglalahad ng mga suliranin, problema na maaring harapin, tungkol ito sa kakulangan at kaligiran ng kanilang paksa.

Ang ikalawang kabanata ay hinggil sa pagbibigay payo kung kanino nila ito nais ipabahagi, ito rin ay makakatulong sa kanila, makakapagbigay kaalaman at magsisilbing hakbang sa kanilang pagkamit ng mithiin sa buhay.

Ang panghuli naman ay hinggil sa limitasyon ng kanilang paksa. Itinatalakay dito kung hanggang saan lamang ang kanilang dapat talakayin at maari nilang saliksikin.


II. SIPAG+TIYAGA= NILAGA


Batay sa mga mananaliksik ang kanilang paksa ay tungkol sa mga taong nakaranas ng hirap sa buhay, nagtayo ng negosyong may maliit na kapital, at napaunlad ito gamit ang talino at abilidad. Ang pagnenegosyo ay madali para sa mga taong may tiyaga at tiwala sa sarili. Dumepende ito sa determinasyon ng taong magpapatayo o nagpatayo ng kanyang negosyo. Sa pananaliksik na ito, ang napili nilang interbyuhin ay si Lorenzo Bernardo-Lopez, na nagmamay-ari ng Lopez Canteen, sa may Padre Noval Street, Espana, Manila. Siya ay animnaput dalawang taong gulang na. Siya ay nagtapos ng kursong BS Management sa Unibersidad ng Santo Tomas. Siya ay biniyayaan ng dalawang anak, na nakapagtapos ng kani-kanilang ginustong kurso, sa magandang paraan. Ang negosyong kaniyang napaunlad ay itinayo noong Oktubre 1960. Sa pamamagitan ng kanyang pagpupursige ay napatayo niya ang ganitong negosyo na tinatangkilik ngayon ng maraming tao. Sinimulan niya ito mula sa paghiram ng bentemil sa kanyang biyenan, upang magsimula ng magandang negosyo. Lahat ng ito ay nabuo mula sa kaniyang mga naranasang pagsubok at hirap sa buhay na pumapaloob sa naturang negosyo. Itinayo niya ito upang masustentuhan at maging responsableng ama sa kanyang sariling pamilya. Lahat ng kaniyang nakamit ay gawa ng inspirasyon mula sa kaniyang asawa at dalawang anak. Itinayo din niya ang negosyong ito upang magamit at mapakinabangan ang natapos niyang kurso, at upang makapagpalago at makapagpatayo na rin ng sariling negosyo.

Interbyu:
Ang may-ari ng negosyo ay sina Mr & Mrs. Lorenzo G. Bernardo-Lopez
Mga Tanong at Sagot:
· Ano ang mga paraan na inyong ginawa upang mapausbong ang inyong negosyo?
Ang mga paraan ay kailangan naming sarapan ang aming pagkain para bumalik at tangkilikin ng mga kostumer ang aming pagkain.

· Ano ang mga karaniwang kostumer ninyo?
Kadalasan estudyante dahil nga sa malapit ito sa eskwelahan, mga propesor, doktor at marami pa.

· Magkano ang kapital mo ng itayo ito?
Mahigit sa 20 libong piso lamang dahil mura pa noong panahon namin, hindi gaya ng sa panahon ngayon.

· Anong disiplina sa sarili ang ginawa mo para maabot mo ang iyong tagumpay?
Kailangang maging mabait sa mga tauhan para maging maayos at walang problema sa negosyo.

· Sinu-sino ang mga katulong mo sa pagtatayo at pgpapalago nito?
Nagsimula ang negosyo sa aking byanan, sa central market yoon nakalagay sa may tabi ng Mapua. Meron din sa St. Jude, sa MCU, at ang huli ay ang sa UST.

· Bilang mga estudyante ng komersyo, ano ang iyong maibabahagi sa amin at maipapayo?Maipapayo ko sa inyo na dapat isipin niyo kung ano hilig niyo. Halimbawa na lamang na mahilig kayo sa pagtinda, yon ang gawin ninyong negosyo.




III. LAKAS NG LOOB, TIBAY NG TIWALA, ITO ANG TAMA!


Ayon sa mga datos at impormasyon na nakalap mula sa pag-iinterbyu ng mga mananaliksik na estudyante ng Unibersidad ng Santo Tomas ng Kolehiyo ng Komersyo taong 2008-2009 ng seksyon 1Epm, na malaki nga talaga ang importansya ng tiwala sa sarili at lakas ng loob sa pagnenegosyo. Makakatulong ito sa mga taong buksan ang isipan nila na kahit mahirap ang kanilang kinagisnang buhay ay mayroon ka ding mararating. Nais ng mga mananaliksik na iparating ito sa mga taong balak magsimula o magtayo ng negosyo para hindi sila mawalan ng pag-asa at magkaroon ng tamang lakas para solusyonan ang kahirapan sa buhay.

Batay din sa interbyu na siniyasat ng mga mananaliksik, marami mang pagdadaanan o pinagdaanan upang itayo ang ganitong klase ng negosyo hindi dapat panghinaan ng loob ang mga gustong umasenso sa buhay. Bagkus, ito ang maging hakbang para abutin ang susi sa tagumpay.


KONKLUSYON

Matapos ang isinagawang pananaliksik, marami silang natuklasan at natutunan. Nalaman nila na kahit maliit lang ang puhunan sa negosyo at nanggaling lang sa simpleng pamumuhay, hindi ito hadlang sa iyong gustuhing marating sa buhay. Pagkakaroon ng abilidad, pakikipagkapwa-tao, tiwala, tiyaga, determinasyon at pagpupursigi sa iyong kagustuhan, walang imposibleng hindi marating ang susi ng tagumpay. At lalong lalo na, higit ang iyong mararating kung katulad ka ng mga taong nagsimula sa hirap na nagpursigi sa buhay. Ang mga mananaliksik ng paksang ito, ay sumasang-ayon sa lahat ng kanilang nalaman at natutunan sa kanilang panukalang pahayag, na “Mga taong nakaranas sa buhay, nagtayo ng negosyo at nagtagumpay!” dahil higit nilang napatunayan na totoo ang kanilang nasaliksik na ito dahil na rin sa kanilang mga nakalap na datos, pag-oobserba at pag-iinterbyu, sa mga taong sangkop sa pananaliksik na ito. Buong tapang nilang ipinapahayag na may katotohanan ang kanilang nasaliksik, na hindi lahat ng mahihirap ay hindi na makakabangon pa, at magkakaroon ng lakas ng loob na magtayo ng negosyo para sa gusto nilang maabot sa buhay, bagkus ito ang magiging simula at instrumento nilang panimula sa buhay.

REKOMENDASYON

· Iminumungkahi ng mga mananaliksik para sa mga estudyante na mag-aral ng mabuti upang sila’y matuto sa kanilang sarili at hindi umasa sa ibang tao.
· Iminumungkahi ng mga mananaliksik na bigyang pansin at respetuhin ang mga taong mahihirap, hindi lamang sila kundi lahat ng tao, matanda man o mahirap.

Iminumungkahi ng mga mananaliksik na sa mga susunod na mananaliksik ng gantong paksa ay mag-ambag ng bagong ideya at kaalaman ukol sa pagnenegosyo.
· At higit sa lahat, iminumungkahi ng mga mananaliksik na hindi lahat ng mahirap ay hindi na kayang umasenso sa buhay, kadalasan pa nga nito, sila ang nagpupurisigi sa buhay, upang maiangat nila ang kanilang antas ng pamumuhay.


PANANALIKSIK

SA
FILIPINO


Mga Mananaliksik:


JOAQUIN, Margarita


LIMON, Camille Anne

MENDOZA, Mary Ann


TAMAYO, Pingel Dane


TAN, Jobelle Monica
1EPM



1 comment: